Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) tungkol sa tumataas na aktibidad ng Bulkang Kanlaon, na posibleng mauwi sa phreatic eruption.
Sa isang pahayag, sinabi ni Phivolcs na pumalo na sa 28 ang mga naitala nilang volcanic earthquakes mula Pebrero 11, ngunit ito ay pawang mahihina lamang.
“Kanlaon Volcano’s monitoring network recorded twenty-eight (28) volcanic earthquakes between 11 and 13 February 2021. These earthquakes ranged in energy from ML0.7 to ML2.2 and occurred at shallow depths to depths of 10 kilometers across the northern to eastern portions of the edifice,” saad ng Phivolcs.
Maliban dito, umabot din daw sa average na 1,130 tonelada kada araw ang naitalang sulfur dioxide (SO2) gas emission mula sa summit crater.
Ito na ang sinasabing pinakamataas na na-record ngayong taon kasunod ng pataas na trend mula Hunyo 2020.
Iniulat din ng ahensya na nagkaroon ng inflation sa lower at middle slope sa nasabi ring panahon, indikasyon na may mabagal na pressurization sa loob ng bulkan.
“The above observational parameters signify that Kanlaon is in a restive state, with increased possibilities of phreatic or steam-driven explosions occurring at the summit crater,” anang ahensya.
Dahil dito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko na maging mapagmatyag at huwag munang papasok sa apat na kilometrong Permanent Danger Zone ng Kanlaon dahil maaaring magkaroon ng biglaan at mapanganib na phreatic eruption ang bulkan.
Hinimok din ng ahensya ang civil aviation authorities na abisuhan ang mga piloto na huwag munang lilipad malapit sa bunganga ng Kanlaon.