-- Advertisements --
BULUSAN VOLCANO ADVISORY

Muling nagkaroon ng isa panibagong phreatic eruption ang Bulkang Bulusan ngayong araw, dakong alas- 3:37 ng madaling araw.

Sa inilabas na advisory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumagal ang naturang pagsabog sa loob ng 18 minuto.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PHIVOLCS Director and Science Undersecretary Renato Solidum Jr. na may taas na isang kilometro ang plume nito na hindi “visible” sa kanilang camera monitors.

Dahil dito ay mananatiling nasa Alert Level 1 ang status ng naturang bulkan na nangangahulugan na kasalukuyan pa ring abnormal ang kondisyon nito.

Pinaaalalahanan ng kagawaran ang mga lokal na pamahalaan maging ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius na itinuturing bilang Permanent Danger Zone (PDZ) sa lugar.

Habang pinapayuhan naman na maging mapagmatyag ang mga nasa 2-kilometer Extended Daneger Zone sa may timog-silangang bahagi ng apektadong lugar.

Pinayuhin rin ang mga Civil aviation authorities na abisuhan ang mga piloto na huwag dumaan malapit sa bulkan dahil sa panganib na maaaring idulot ng abo mula sa anumang phreatic eruption sa mga aircraft.

Pinag-iingat naman ang mga residenteng nakatira sa mga lambak, ilog o batis sa mga sediment-laden stream at lahar na posibleng umagos sa oras na magkaroon ng malakas at matagal na mga pag-ulan sa lugar partikular na sa bahaging timog-silangan, timog-kanluran, sa hilagang-kanlurang sektor ng edipisyo.

Samantala, sa ngayon ay wala namang naiulat na nasaktan at kinakailangang ilikas muli nang dahil sa naturang pagsabog.

Tuluy-tuloy pa rin ang mahigpit na monitoring na ginagawa ng DOST-PHIVOLCS sa kondisyon at sitwasyon ng Bulkang Bulusan.

Magugunita na una rito ay nagkaroon na rin ng phreatic eruption ang Bulusan noong June 5 bandang alas-10:37 ng umaga.