-- Advertisements --

Nagpakita ng signs of activities ang Bulkang Taal kahapon, araw ng Sabado, Enero 30 ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Batay sa pinakahuling datos, nakapagtala ang kagawaran ng walong mahinang phreatomagmatic bursts ang Taal Main Crater bandang 3:50 ng hapon hanggang 9:57 ng gabi kahapon.

Ang naturang bursts ay maikli lamang na tumagal ng sampung segundo hanggang dalawang minuto.

Tanging mga traces ng seismic record na may kasamang infrasound signals ang nilikha nito.

Batay sa visual at thermal camera sa paligid ng Taal Lake ay umabot naman ng hanggang 400 m hanggang 900 m ang taas ng steam-reach plumes nito.

Nasa humigit-kumulang 10,668 tonelada na kada araw ang naitatalang naibugang sulfur dioxide o SO2 sa pagpasok ng taong 2022, kung saan ay nakapagtala ng pinakamataas na lebel ang ahensya na umabot sa 18,705 tonelada noong Enero 27.

Halos wala namang naitalang volcanic earthquake activity ang Phivolcs mula noong Disyembre 19, 2021 habang nakakaranas naman ng deflating ang Taal Volcano Island mula pa noong Oktubre 2021 batay sa continues GPS monitoring nito.

Patuloy naman na pinaalalahan ng kagawaran ang publiko na kasalukuyan pa rin na nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal at ang mga gas-driven na pagputok at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island (TVI).

Dahil dito ay mahigpit na ipinagbabawal ng DOST-PHIVOLCS ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Taak lalo na sa may Main Crater at Daang Kastila fissure.

Mahigpit din na ipinagbabawal din ang pamamalagi sa Lawa ng Taal.

Samantala, pinapayuhan naman ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na patuloy na suriin at palakasin ang kahandaan ng mga naunang lumikas na barangay sa paligid ng Taal Lake.

Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa bulkan dahil ang airborne ash at ballistic fragment mula sa biglaang pagsabog at wind-remobilized ash dahil maaaring magdulot ito ng panganib sa sasakyang panghimpapawid.