Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang serye ng magmatic unrest na namonitor sa bulkang Kanlaon sa loob ng dalawang taon.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief, Ma. Antonia Bornas, mistulang naghahanda na para sa isang malakas na magmatic eruption ang naturang bulkan, dahil sa ilang palatandaan na namonitor ng ahensiya.
Kinabibilangan ito ng mataas na volcanic earthquake na lalong lumubo noong pumutok noong June 2024. Tumaas din ang lumalabas na volcanic gas tulad ng asupre, na sinyales ng mataas na magmatic activity, atbpa.
Palatandaan aniya ang mga ito ng posibilidad na mas malalakas na pagsabog na maaaring may kasamang mataas na bulto ng magma.
Paliwanag ni Bornas, natukoy din ng Phivolcs ang paglabas ng mababang porsyento ng magma sa nakalipas na pagputok nito.
Aniya, ang mga ibinugang abo ay may kasama na hanggang sampung porsyento ng magma na naisama sa makapal na usok na nanggaling sa bulkan, at iba pang lumabas na volcanic materials.
Sa kasalukuyan, mahirap pa rin aniyang matukoy kung kailan magkakaroon ng posibleng magmatic eruption at kung gaano ito kalakas kung mangyayari man.
Dahil dito, kailangan aniya ng araw-araw na monitoring sa bulkang Kanlaon upang makakuha ng datus ang Phivolcs – mapag-aralan at magawan ang mga ito akmang tugon.