Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi totoo ang kumalat online na post na nagsasabing sumabog ang Bulkang Mayon.
Kaugnay nito, nanawagan ang ahensiya na i-report at tumulong na mapigilan ang pagkalat ng naturang click-bait post.
Ayon sa Phivolcs walang pagsabog na nangyari kahapon sa bulkan at inabisuhan ang publiko na huwag magpapakalat ng misleading posts na maaaring magdulot ng pagkalito at pagkatakot.
Payo din ng ahensiya na iberipika muna ang mga balita mula sa mapagkakatiwalaang sources bago ito i-share.
Samantala , batay sa monitoring ng Phivolcs ngayong Miyerkules sa aktibidad ng bulkan, nakapagtala ng 1 volcanic earthquake at 1 rockfall event na may mahinang banaag o crater glow na naaaninag lamang gamit ang telescope.
Nananatili namang nakataas ang Alert level 1 o low-level unrest sa bulkan simula noong Marso 5 kayat pinapayuhan ang publiko na bawal pumasok sa permanent danger zone dahil sa banta ng rockfalls, sudden steam-driven o phreatic eruption.