Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang koneksiyon sa pagitan ng pagkasira ng coral reef o mga bahura sa West PH Sea at tsunami.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang batas ng Department of Science and Technology (DOST) para sa 2024, tinanong ni Senator Francis Tolentino ang Phicvolcs kung maaaring magresulta ang pagpulbos o pagsira sa mga bahura sa Palawan area sa malalaking alon sakaling tumama ang malakas na lindol.
Paliwanag ni PHIVOLCS director Teresito Bacolcol na walang kinalaman ang pagkasira ng corals sa generation ng tsunami.
Aniya, hindi masyadong significant ang magiging epekto ng corals dahil nasa mas mababaw na bahagi ito ng karagatan.
Ayon kay Sen. Tolentino ang coral reefs ang nagsisilbing natural barriers na pumoprotekta sa coastlines mula sa mga bagyo, wave erosion at tsunamis at tumutulong din na mabawasan ang epekto ng nito sa coastal communities at infrastructure.
Saad pa ng Senador na ang coastal erosion at pagbaha ay maaaring magdulot ng pagkasira ng corals, kayat sa pagakawala ng mga bahura, mas nalalagay sa natural hazards ang mga coastal area.
Matatandaan na iniulat ng mga awtoridad na matinding napinsala ang coral reefs sa may Rozul reef at Escoda shoal sa West PH Sea kung saan ang Chinese maritime militia vessels ang itinuturong nasa likod ng iligal na gawain matapos na mamataan ang kumpulan ng mga ito sa lugar.