PHIVOLCS pinawi ang pangamba ng mga residente sa dagundong sa paligid ng Bulkang Mayon na rinig sa ilang mga bayan
LEGAZPI CITY – Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pangamba ng publiko sa naririnig na dagundong sa paligid ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology resident volcanologist Dr. Paul Alanis, may ilang mga residente na ang nagpaabot ng report patungkol sa naririnig na malakas na tunog sa bayan ng Camalig, lungsod ng Legazpi at iba pang mga lugar malapit sa bulkan.
Ayon kay Alanis, dulot lamang ito ng tinatawag na ashing event o ang paglabas ng gas na may kasamang abo mula sa paligid ng bulkan.
Tuwing nagkakaroon umano ng mga pagyanig lumalabas naman ang gas sa paligid ng Bulkang Mayon na nagdudulot ng tunog na parang kulog.
Wala naman umanong direktang banta sa publiko ang naririnig na tunog na ito lalo na kung nasa labas na ng 6km permanent danger zone.
Payo na lamang ng opisyal sa mga residenteng nakatira sa danger zone na manatili pa rin sa evacuation centers habang dapat na laging handa sa paglikas ang mga nasa 7km hanggang 8km extended danger zone.