-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Inamin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na nakapag-detect ang kanilang mga instrumento ng signals na indikasyon ng posibilidad ng pagdausdos ng lahar mula sa Bulkang Mayon.

Subalit ayon kay resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa visual observation ng kanilang mga tauhan ay wala namang nakita na lahar deposits sa ibabang bahagi ng bulkan.

Aniya, nananatili lamang sa itaas ang mga deposits at hindi naman umabot sa baba sa kabila ng malakas na pag-ulan na naranasan sa lalawigan ng Albay dulot ng sama ng panahon na nakaka apekto sa ilang bahagi ng bansa.

Sa kabila nito ay pinag-iingat pa rin ng opisyal ang publiko dahil kung sakaling magkaroon pa aniya ng malalakas na pag-ulan ay posibleng dumaloy ang mga volcanic debris sa mga river channels ng bulkan.

Ayon kay Alanis, hindi lamang ang volcanic materials mula sa 2023 eruption ang posibleng dumausdos kundi maging ang 2018 deposits.