Umapela ang pamunuan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga mamamayan na seryosohin lagi ang mga isinasagawang earthquake drill o simulation.
Ginawa ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol ang paalala kasunod na rin ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na isinagawa kahapon kung saan nagsisilbing scenario ang pagtama ng isang magnitude 7.2 na lindol.
Ang naturang lakas ay ang tinatayang lakas ng pinangangambahang ‘the big one’ na posibleng tumama sa bansa, pangunahin na sa National Capital Region.
Apela ng director, dapat ay maging seryoso ang publiko sa pagsunod sa mga mekanismo, inilalatag na safety precaution, evacuation, at survival strategies upang matutunan nilang gawin ang mga ito sa oras na may mangyaring paglindol.
Mahalaga din aniyang isaisip ng publiko ang mga pinagdadaanan sa tuwing isinasagawa ang mga drill upang maiwasan ang pag-panic sa mga panahon ng pagyanig.
Ayon kay Dir. Bacolcol, mayroong 175 na aktibong fault sa Pilipinas.
Isa sa mga binabantayan dito ay ang West Valley Fault na posibleng gumalaw sa loob ng 400 hanggang 600 na taon, o posibleng sa 2050’s
Ilan sa mga lugar na dinadaanan ng West Valley Fault ay ang mga syudad ng Pasig, Quezon, Marikina, at iba pang kalapit-syudad sa Metro Manila, kasama na ang ilang mga bayan sa probinsya ng Rizal
Batay sa naunang pagtaya ng mga otoridad, posibleng hanggang 30,000 na katao ang potential kill kapag nangyari ang Big One.
Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit ginawang batas ang NSED na isinasagawa minsan sa bawat quarter kada taon.