-- Advertisements --

NAGA CITY – Patuloy ngayon ang ginagawang verification ng Philippine Army para makumpirma kung totoong isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa engkwentro sa Sitio Mawan, Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. Patrick Jay Retumban, Chief ng Division Public Affairs Office ng 2nd Infantry Division, Philippine Army, sinabi nitong sa tulong ng intelligence community, umaasa silang sa mga susunod na araw, matukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga namatay sa naturang engkwentro.

Aniya may nakarating kasi sa kanilang impormasyon na isa sa mga napuruhan ang lider ng mga rebelde ngunit nabitbit ng mga ito ang naturang bangkay.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang 203rd Infantry Brigade na nagkakaroon ng pagsasanay ang mga rebelde sa mga bagong recruit kasama ang ilang menor de edad.

Kaugnay nito, agad na nagsagawa ng Focused Military Operation (FMO) ang mga kasundaluhan hanggang sa natukoy ang lugar na nauwi sa palitan ng putok ng magkabilang panig.

Tinatayang nasa 40 mga NPA ang nakabakbakan ng mga sundalo na nag-iwan ng tatlong kataong patay habang isang sundalo naman ang sugatan.

Narekober sa encounter site ang iba’t ibang uri ng baril, magazines, grenade launcher tube, mga pampasabog at ilan pang mga gamit.