ILOILO CITY – Pinaghahanap pa ngayon ng Philippine Army ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na kanilang naka-engkwentro sa Brgy. Nalbang, Leon, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Col. Joel Benedict Batara, commanding officer ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army, sinabi nito na ang Sibat Platoon ng Komiteng Rehiyon Panay-Southern Front Committee na pinamumunu-an ni Nahum Camariosa alyas Bebong ang naka-engkwentro ng militar.
Matapos ang 20 minutong engkwentro, may nakitang mga patak ng dugo sa encounter site.
Ayon kay Batara, maaari na may sugatan o namatay sa kampo ng NPA ngunit hindi pa nila makumpirma ang detalye.
Kabilang sa recoveries sa encounter site ay ang limang back packs, dalawang anti personnel landmines, dalawang magazine ng caliber .45, 1 magazine ng 7.62mm M14 na may live ammunitions, subversive documents at medical paraphernalias.
Kung babasehan ang mga nakalipas na engkwentro ng Philippine Army at NPA, hindi mawawala ayon kay Batara na mayroong nakatanim na landmine sa encounter site.
Dahil dito, nagsasagawa ng clearing operations ang militar sa nasabing lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga inosente.