Hanggang sa ngayon hindi pa rin nakakatanggap ng kopya ang pamunuan ng Philippine Army (PA) kaugnay sa commitment order na inilabas ng korte laban kay retired Army MGen. Jovito Palparan at sa dalawa pa nitong kasamahang hinatulan ng reclusion perpetua o panghabambuhay na pagkabilanggo.
Napatunayan ng korte na “guilty” ang retiradong heneral sa pagkidnap sa dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Lt. Col. Louie Villanueva, sa ngayon ay wala pang natatanggap na kopya ang Army Custodial Center kaugnay sa paglipat kay Palparan sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan niya pagsilbihan ang kaniyang sentensiya.
Giit ni Villanueva na sandaling hawak na nila ang commitment order ay agad nila ito ihahatid sa Bilibid.
Dagdag pa ng opisyal na ihahatid pa rin ng mga sundalo ang heneral sa Bilibid para tiyakin na ligtas ito habang ibinabiyahe.
Una nang sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronald Dela Rosa na hanggang sa ngayon wala pa sa Bilibid si Palparan.
Tiniyak naman ni Dela Rosa na walang special treatment na ibibigay sa dating heneral.