Tinanghal na first runner-up ang pambato ng Pilipinas na si Kelly Day sa idinaos na Miss Eco International pageant doon sa Egypt o kaninang madaling araw lang Manila time.
Una nang nagwagi ang 24-year old Tarlac native bilang Best in National Costume sa preliminaries nitong Biyernes.
Kanyang inirampa ang kulay red na Maria Clara-inspired Filipiniana ng designer na si Louis Pangilinan.
Kinoronahan namang Miss Eco-International ang Miss South Africa, habang ang iba pang runner-ups ay mula sa Venezuela, United States at Costa Rica.
Sa ngayon ay may isa pa lamang na Miss Eco-International ang Pilipinas sa pamamagitan ni Thia Thomalia noong 2018.
Noong nakaraang taong nang dalawang beses na-postpone ang Miss Eco International dahil sa pandemya.
Sa pagtungo sa Egypt noong nakaraang buwan, nilinaw ng aktres at dating miyembro ng GirlTrends na wala naman siyang pangamba dahil mahigpit na ipinapatupad ang safety protocols at bawal din silang mamasyal pa.
Ayon naman sa Miss World Philippines organizer na si Arnold Vegafria, mababa na ang kaso ng coronavirus sa Egypt at hindi na raw nagsusuot ng face mask ang ilan doon.