-- Advertisements --

Patuloy ang puspusang pagsasanay ng Philippine men’s boxing team sa Thailand bilang kanilang preparasyon para sa Olympic boxing qualifiers sa Amman, Jordan sa susunod na buwan.

Ayon kay Ed Picson, secretary general ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), dalawang linggo ang itatagal ng mga Pinoy boxers sa training camp sa isang siyudad sa labas ng Bangkok.

Babalik naman sa Maynila ang national team sa Pebrero 26, at bibiyahe naman pa-Jordan matapos ang dalawang araw.

Noong nakaraang buwan nang magsanay na rin sa Thailand ang mga atleta para sa kompetisyon na orihinal na naka-schedule mula Pebrero 3 hanggang 14 sa Wuhan, China.

Ngunit dahil sa coronavirus outbreak, napilitan ang International Olympic Committee na ilipat sa Amman ang slugfest na itinakda na sa Marso 3 hanggang 11.

Isa lamang ang tournament sa Jordan sa dalawang qualifying events sa mga nagnanais makapasok sa Olimpiyada.

Sa Mayo 13 hanggang 24 ay mabibigyan ng huling pagkakataon ang mga hindi nakalusot sa continental qualifiers na makakuha ng ticket sa Olympics sa gaganaping World Qualification Tournament sa Paris, France.