Bumaba ng isang spot ang Pilipinas sa 2019 World Press Freedom Index na ngayon ay nasa ika-134 sa 180 na bansa.
Ayon sa Paris-based Reporters Without Borders (RSF) naka-score ang Pilipinas ng 43.91 points at nasa gitna ng United Arab Emirates at Morocco/Western Sahara.
Sa naturang index, nangunguna ang Norway at panghuli o ika-180 naman ang Turkmenistan.
Base sa report, bumaba ang Pilipinas sa World Freedom Index dahil sa mga kaso at umano’y “online harassment campaigns” laban sa online website Rappler CEO Maria Ressa.
Una rito, sinabi ng New York-based Committee to Protect Journalists (CPJ) na lumalala na ang panggigipit ng Duterte administration sa mga mamamahayag.
Tinawag naman ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Undersecretary Joel Sy Egco na katawa-tawa ang report ng CPJ.
Ayon kay Egco, wala pa raw 24 oras nang dumating ang mga taga-CPJ dito sa bansa kayat duda siya sa hindi patas na findings ng mga ito sa kalagayan ng mga journalist dito sa Pilipinas.
Maliwanag umanong pumunta ang mga dayuhan dito sa Pilipinas para dungisan at bigyan ng masamang imahe ang state of press freedom sa bansa base lamang sa naging obserbasyon nila sa ilang media entity.