Itinakda na sa Mayo 19 ang bilateral consultative meeting sa pagitan ng Pilipinas at China upang pag-usapan ang mga isyu na may kinalaman sa South China Sea o West Philippine Sea.
Kakatawan sa pag-uusap na gaganapin sa Guiyang City sa Guizhou province sa China si Philippine Ambassador to China Jose Santiago “Chitoâ€Â Sta. Romana, gayundin ang bagong Department of Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at Foreign Affairs Undersecretary Enrique Manalo.
Sa panig ng Beijing, haharap sa Philippine side ang vice-foreign minister ng China at iba pa.
Kabilang sa layon ng dayalogo ay maiwasan ang standoff sa pinag-aagawang mga isla ng dalawang bansa.
Gayundin upang mapatibay pa ang unawaan ng magkabilang panig.
Samantala ipinagmalaki naman ni Sta. Romana na mula noong buwan ng Oktubre ng nakaraang taon sa pagbisita ng Pangulong Rodrigo Duterte sa China ay naibsan na raw ang tension sa South China Sea.
Tumaas din daw ang Chinese tourists ng 200 porsyento sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan.
Samantala, sa isyu naman ng panalo ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal, muling inulit ni Ambassador Sta. Romana ang posisyon ng Pangulong Duterte na igigiit lamang ito sa tamang panahon.
Kung maalala kahapon ng madaling araw ay kararating lamang ng Pangulong Duterte mula sa China.