Umapela ng pag-unawa ang Philippine Consulate General sa New York sa mga Pilipinong botante doon kasunod delay sa shipment ng election paraphernalia mula sa Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni Consul General Elmer Cato na asahan ng mga Pilipinong botante sa New York at mga katabing lugar na matatanggap nila ang kanilang election packets sa mga susunod na araw kasunod ng delivery ng ilang libong balota sa post office kamakailan.
Sisikapin din aniya nila sa Philippine Consulate General sa New York na makakuha ng mas marami pang balota para sa mga Pilipinong botante doon sa mga susunod na araw sa kabila ng delay sa arrival ng election materials.
Kahit pa aniya maging sila ay kulang na rin sa tulog at pagod na rin ay patuloy nilang gagampanan ang kanilang election duties, kaya umaasa sila na mapagbibigyan ang apela nilang pag-unawa sa kasalukuyang sitwasyon.
Magugunita na Abril 10 nang magsimula ang overseas absentee voting pero ang mga botante sa northeast ng America ay hindi nakaboto sa araw na iyon dahil na rin sa delay sa delivery ng election paraphernalia.
Abril 11 na nang matanggap ng Philippine Consulate sa New York ang mga vote counting machines at iba pang election paraphernalia na gagamitin sa 2022 elections.