-- Advertisements --

VIGAN CITY – Dahil sa tumintinding tensyon at umiinit na kilos protesta sa Hong Kong kaugnay sa isinusulong na extradition bill sa nasabing bansa, sarado bukas ang konsulada roon ng Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Rose Galinato Alcid, presidente ng Overseas Filipino Workers (OFW) Alliance of the North-Ilocos Sur, sinabi nitong ang lugar kung saan nangyari ang riot ay doon din ang opisina ng Philippine consulate sa Hong Kong.

Mahigpit din na paalala ng konsulada na huwag magtungo sa Admiralty dahil sarado ang nasabing lugar simula nang sumiklab ang riot.

Dagdag pa ni Alcid, bukas magsasagawa na naman ng malawakang rally ang mga mamamayan sa Hong Kong sa Admiralty.

Aminado ang OFW leader na maging sila ay natatakot kapag naaprubahan ang extradition bill.