-- Advertisements --

VIGAN CITY – Sisikapin ng Philippine cycling team na maging overall champion sa lahat ng mga cycling events sa nalalapit nang 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni PhilCycling president at Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, pipilitin daw nilang makabangon mula sa isang bronze medal na nakuha nila noong 2017 SEA Games sa Malaysia.

Bagama’t nanghihinayang si Tolentino, na pangulo rin ng Philippine Olympic Committee, sa hindi pagkakasama ng mga events sa velodrome, tiwala naman ito sa kakayahan ng kanyang tropa na pumadyak ng gintong medalya.

Una nang inihayag ng miyembro ng cycling squad at SEA Games gold medalist Marella Salamat na may potensyal ang pambansang koponan na maging numero uno sa biennial meet.

Kahit na Malaysia, Thailand, at Indonesia ang tinitingnan nila bilang mabibigat nilang mga kalaban, malaking bagay aniya na kabisado nila ang ruta.

Gaganapin ang cycling competitions mula Disyembre 1 hanggang 10 sa Tagaytay City.