-- Advertisements --

Patuloy umano ang pagbawi ng ekonomiya ng bansa mula sa pagkakalugmok nito sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni NEDA Sec. Karl Kendrick Chua, mula sa -17 percent economic growth noong second quarter ng 2020, unti-unting nakabawi ito sa 11.8 percent na paglago sa second quarter ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Sec. Chua, pinapatunayan nito na epektibo at gumagana ang mga ginagawang pagbalanse sa mga COVID at non-COVID concerns kung saan niluwagan ang mga restrictions para muling magbukas ang ekonomiya kasabay ng pagpapairal ng granular lockdowns o pag-target sa mga highest risks areas.

Kabilang daw sa mga lumagong sektor o nakabawi mula sa ikinabagsak noong nakaraang taon ang manufacturing, exports at imports.

Umaasa naman si Sec. Chua na magpapatuloy ang magandang economic performance sa gitna ng pandemya at ito’y maging sustainable sa pamamagitan ng kooperasyon ng lahat at palagiang pagsunod sa minimum public health standards.

Kasabay nito, muling iginiit ni Sec. Chua na hindi solusyon ang pagpapairal ng mga lockdowns, bagkus lalo itong nagpapasama sa sitwasyon dahil dumami ang mga walang trabaho, nagugutom, nagkakasakit at namamatay sa ibang karamdaman.