BACOLOD CITY – Ipinagpaliban muna ng Embahada ng Pilipinas sa Germany ang mga aktibidad para sa mga Pinoy kaugnay sa patuloy na paglobo ng coronavirus disease (COVID-19) cases sa nasabing bansa.
Maglalabas sila ng pinal na araw kung kailan itutuloy ang mental forum na gaganapin sana noong Pebrero 6 dahil mas inuuna nila ang kaligtasan ng mga Pinoy.
Dahil dito hindi din matutuloy ang mga activities kaugnay sa Women’s Month para mailayo ang mga Pinoy laban sa nakakamatay na virus kung saan umabot na sa 157 ang infected sa Germany.
Sa mensahe ni Philippine Ambassador to Germany Tess Dizon De Vega sa Star FM Bacolod, sinabi niyang patuloy ang komunikasyon nila sa Filipino communities at mga Pinoy nurses para masiguradong nasa mabuting kalagayan ang mga ito.
Tinatayang nasa 24,100 ang mga Pilipino sa Germany at umaabot naman sa 3,000 ang mga nagtatrabaho sa hospitals.
Hindi din tumitigil ang embahada sa pagpaparating ng lahat ng impormasyon sa pamamagitan ng social media para tama ang mga gagawin ng Pinoy na pag-iingat.