Kasunod ng pagkambiyo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng medical marijuana sa bansa, sinabi ngayon ng Department of Health (DoH) na kailangan ng pamahalaan na magsagawa ng masusing pag-aaral sa paggamit nito.
Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na mas mainam na magkaroon ng sariling pag-aaral ang pamahalaan ukol sa paggamit ng medical marijuana.
Ito ay sa pamamagitan daw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Food and Drug Administration (FDA) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Pero bilang isang doktor, sinabi ni Duque na may mga patunay na rin umanong epektibo ang paggamit ng medical marijuana.
Maalalang pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 6517 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Act.
Sa kabila nito sa talumpati ng Pangulong Duterte sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Negros Occidental iginiit nitong hindi pa raw napapanahon ang paggamit ng marijuana bilang gamot.