-- Advertisements --

Nagbigay ng development report ang ilang opisyal ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing kaugnay sa mga imprastrukturang pinopondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng China.

Kabilang sa delegasyong nakipagpulong kay People’s Republic of China Vice President Wang Qishan ay sina Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin, Finance Sec. Carlos Dominguez, Executive Secretary Salvador Medialdea, Sec. Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Arthur Tugade ng Department ng Transportation, at Eduardo Año ng Department of the Interior and Local Government.

Humarap din sina Officer-in-Charge (OIC) Secretary Janet Abuel ng Department of Budget at Management, National Economic and Development Authority OIC-Undersecretary Jonathan Uy, at Vivencio Dizon na siyang president-Chief Executive Officer ng Bases Conversion and Development Authority.

Ilan sa mga iniulat ng grupo ni Sec. Dominguez ang mga progreso ng mga “Build, Build, Build” infrastructure projects gaya Binondo-Intramuros at Estrella-Pantaleon Bridges na ginagawa ng DPWH na nagkakahalaga ng 397 million renminbi (US$63.13 million) grant mula China.

Pinasalamatan din ni Sec. Dominguez ang China sa concessional loan financing para sa Chico River Pump Irrigation Project at New Centennial Water Source-Kaliwa Dam project.

Kung maaalala, aabot sa US$62.09 million loan para sa Chico river irrigation project at US$ 211.21 million loan sa Kaliwa Dam ang ipinautang rito ng China.

“We have been meeting with the Ministry of Commerce of China (MOFCOM) for the past two years, and we have made a lot of progress with our actual official development assistance relations with China,” ani Sec. Dominguez.

Inihayag ni Sec. Dominguez na tinalakay din ang pagsisimula ng Subic-Clark Railway Project in Luzon at Mindanao Railway Project na popondohan din ng China.

Napag-usapan din umano ang Davao-Samal Bridge Project sa Mindanao at Panay-Guimaras-Negros Interisland Bridge Project sa Western Visayas na posible ring popondohan sa pamamagitan ng Chinese financing.