Tiniyak ng Malacañang na hihingi ang gobyerno ng Pilipinas ng reparation o bayad-danyos mula China kapag napatunayang sinadya ng Chinese vessel ang pagbangga sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank na nasa loob ng West Philippine Sea.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang pangunahing prayoridad ng gobyerno sa ngayon ay matiyak ang kapakanan ng 22 mangingisdang Pilipino na sakay ng binanggang bangka.
Ayon kay Sec. Panelo, kanila ring tinitiyak na gagawa ito ng mabigat na hakbang para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa mga kababayang mangingisda sakaling totoong sinadya ng mga Chinese crewmen ang pagbangga sa nakaangklang bangka ng mga Pilipino.
Kahapon ay inihayag ng Philippine Coast Guard na tapos na ang kanilang imbestigasyon sa insidente pero hindi pa maaaring ilabas.