Dibdiban na ang ginagawang pagsasanay ng Philippine men’s ice hockey team upang madepensahan ang kanilang korona sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Matatandaang noong 2017 SEA Games sa Malaysia ay nasungkit nila ang gold medal makaraang pahiyain nila ang powerhouse team Thailand.
Ayon kay Francois Gautier, executive vice president ng Hockey Philippines, nagpatupad daw sila ng ilang mga adjustments pagbabago sa paraan ng kanilang ensayo.
Katunayan ay mas naging intense na rin daw ang kanilang traning regimen at titindi pa ito habang papalapit ang SEA Games sa Nobyembre.
Mas motivated din aniya silang maglaro lalo pa’t dito sa Pilipinas gaganapin ang kompetisyon at nais nilang magamit ang homecourt advantage.
Giit naman ni Gautier, sa kabila ng kakulangan ng Pilipinas sa pasilidad para sa nasabing laro, ibubuhos daw nila ang lahat upang makapagbigay ng karangalan sa bansa.
“Our team is one of the best in Southeast Asia. Of course, it’s different on paper and what happens on the ice, anything can happen. Two years ago, we were pretty much giving the title to Thailand, and we beat Thailand,” wika ni Gautier.
Nitong Huwebes ay nagbigay ng P3-milyong financial support ang cybersecurity company na Kaspersky sa Hockey Philippines at Philippine Tennis Association.