Iginiit ng isang mahistrado ng Supreme Court (SC) na mandato ng Pilipinas na magpasa ng batas para mapigilan ang terorismo sa ating bansa.
Sa pagtatanong ni Justice Marvic Leonen kay Atty. Algamar Latiph, isa sa mga counsel ng mga petitioners ng Anti Terror Act sa isinagawang oral argument kahapon sinabi ni Leonen na obligado ang bansa na magpasa ng batas laban sa terorismo dahil kapag hindi ito ginawa ng Pilipinas ay siguradong isa-sanction tayo ng United Nations (UN) Security Council.
Ayon kay Leonen, maliban sa sanction ng UN Security Council, posibleng magiging “safe haven” din ang bansa para sa mga transnational terrorists kapag walang anti terror law na umiiral.
Dahil dito, kailangan daw talagang magpasa ng bansa para mapigilan na ang pambibiktima ng mga terorista lalo na’t mayroon nang naganap na acts of terrorism na ikinamatay ng ilang katao at pagkasira rin ng mga ari-arian.
“Let me make an analogy. Before a speeding car crashes into a wall or killing several pedestrians, there is a law that regulates speeding. And therefore, even before the harm is done, it is important for certain kinds of acts government looks at prevention or suppression of particular acts before they happen. Is that not correct?” ani Justice Leonen sa pagtatanong nito kay Atty. Latiph.
Inihalimbawa rito ni Leonen ang mga insidente noong Pebrero 2004 o ang pambobomba sa Superferry 14 na papuntang Cagayan de Oro mula dito sa Manila na ikinamatay ng 116 katao.
Isa sa pinakahuling pambobomba ng mga terorista ay noong Agosto 24, 2020 nang magkaroon ng pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 14 katao at 75 naman ang sugatan maging ang Jolo Cathedral bombing noong Enero 27, 2019 na ikinamatay ng mga tao.