CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng Philippine labor attache ng Oman na pinapabayaan nila ang mga Pinoy workers sa naturang bansa na apektado ng lockdown dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Greg Abalos, labor attache sa Oman, sinabi niya na nakapagsimula na silang magbayad sa mga naunang naproseso ang requirements para sa DOLE-AKAP program.
Ang problema lamang nila ngayon ay ang online banking dahil limitado lamang ang kanilang transaksyon.
Gayunman, gumagawa na sila ng mga paraan para patuloy pa rin silang makapagbigay ng tulong.
Ayon kay Abalos, halos 6,000 na ang nakapag-apply kaya nag-cut off muna sila habang nagsasagawa sila ng evaluation.
Aniya, ang mga mabibigyan ng tulong ay makakatanggap ng US$200 o P10,000.
Bukod dito, may mga relief goods din silang ipinapamahagi na pinagtutulungan na lamang nila ng mga Filipino Communities doon na i-provide dahil wala namang relief goods na ipinapadala ang Pilipinas.
Hiniling din niya ang pang-unawa ng mga ito dahil apat lamang sila na regular na kawani ng POLO sa nasabing bansa.