-- Advertisements --

Nakatakdang mag-host ang Pilipinas ng isang continental event sa susunod na buwan matapos na igawad ng Badminton Asia sa bansa ang hosting rights ng ikatlong Badminton Asia Team Championships.

Gaganapin ang nasabing torneyo mula Pebrero 11 hanggang 16 sa Rizal Memorial Coliseum sa lungsod ng Maynila.

Naniniwala si Badminton Asia Chief Operating Officer Chit Boon Saw na kasalukuyang sumasailalim sa panibagong development ang Pilipinas sa nasabing sports.

“I think the Philippines is one of the fastest developing nations in badminton. And it is good to bring an event like this in a developing badminton country,” wika ni Saw. The last time the country hosted the Asian Championships (individual) back in 2001. “The game can be promoted to the masses better with an event like this.”

Maliban sa pagiging qualifier nito para sa Thomas (Men’s) at Uber (Women’s) Cups sa Denmark sa Mayo, magsisilbi rin ang torneyo bilang isa sa huling mga tsansa para sa mga shuttlers na makaipon ng puntos upang ma-qualify sa 2020 Tokyo Olympics.

Inaasahan ang pagdating sa bansa ng halos 300 shuttlers mula sa iba’t ibang panig ng Asya, na tatampukan ng defending men’s champion na Indonesia at women’s champion na Japan.

Magtutuos sa biennial meet ang 15 men’s teams at 14 naman sa distaff side kung saan hahatiin ang bawat dibisyon sa apat na grupo at uusad sa knockout stage ang mananaig na dalawang koponan sa bawat pangkat.

Ang team format ay isang best-of-five encounter na may tatlong singles matches at dalawang doubles matches.

Sinabi pa ni Saw na nakikita niya raw ang torneyo bilang pagkakataon upang magkaroon ng panibagong karanasan sa sport ang Philippine national team.

“I hope the Philippine team takes this as an opportunity to learn and grow in the team event. As you know, there are not a lot of team tournaments in the world, so this will be a good opportunity to learn on your home court,” ani Saw.