-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na hindi na bago, bagkus ipinagpapatuloy lamang ng Duterte administration ang mga major railway projects na nakatakdang magsimula ang konstruksyon.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Transportation Undersecretary Timothy John Batan, marami sa mga railway projects ay matagal nang natapos ang feasibility studies, pagdisenyo at pagkabuo ng konsepto, pero ngayon lamang sa Duterte administration nakakuha ng National Economic Development Authority (NEDA) approval.

Ayon kay Usec. Batan, makalipas ang ilang dekada ay ngayon lamang ganap na uusad ang mga proyekto matapos mapatunayan sa NEDA ang investment feasibility at funding requirements.

Kabilang sa mga railway projects na nasa “pipeline,” ang magiging kauna-unahang subway o underground rail line na Metro Manila Subway.

Ang nasabing proyekto na panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nabuo ang konsepto ay bubuuin ng 15 subway stations mula Quirino Highway sa Quezon City, hanggang Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City, at Food Terminal Incorporated sa Taguig City.

Kasama rin sa mga railway projects ang Philippine National Railway Clark Phase 1 o ang North-South Commuter Railway Project; Common Station; Metro Rail Transit-3 Rehabilitation; Light Rail Transit 1 Extension mula Baclaran, Parañaque City hanggang Bacoor, Cavite at Philippine Railway Institute.

Karamihan sa mga nabanggit na railway projects ay popondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance, loans at grants mula Japan at China.