Kumpiyansa ang Malacañang na makakabangon ang Pilipinas mula sa negatibong epekto ng coronavirus disease (COVID-19) sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Cabinet Sec. Karlo Nograles, hindi lamang nakatuon ang atensyon ng pamahalaan sa virus kundi pati na rin sa ibubunga nito sa ekonomiya.
Sinabi ni Nograles, bagama’t inaasahan nilang malaki ang epekto ng COVID-19 sa global economy, maaabot pa rin ng bansa ang target na paglago ng ekonomiya na 6.5%.
Paliwanag ng kalihim, inaasahan nilang hindi magtatagal ang banta ng COVID-19, at maapektuhan lamang ang unang quarter ng taon.
Ipinagmalaki ni Nograles na malakas at makatutulong sa economic growth ng bansa ang mga proyektong imprastraktura, exportation, industry at services sector ng bansa.
“In this context, it is likely that the Philippine economy will exhibit a strong recovery from the temporary effects of COVID-19,” ani Nograles.
“There’s a consensus that even if the first-quarter GDP growth will slow down, mitigating measures, quick responses, and low mortality rates would not hurt productivity. Domestic demand is still growing, and we have a big domestic economy.”
Una nang sinabi ng Department of Tourism na kung tumagal pa hanggang Abril ang krisis sa COVID-19, posibleng abutin ng hanggang P42-bilyon ang lugi ng bansa sa sektor ng turismo.
Habang ang National Economic and Development Authority (NEDA) ay patuloy pang pinag-aaralan ang tugon sa magiging kabuuang epekto ng naturang virus sa ekonomiya ng bansa.