-- Advertisements --

Nagpatupad ang Bureau of Immigration (BI) ng mas pinalawig na travel restrictions upang pigilan ang pagkalat pa ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang pahayag, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na ang mga biyahero na nagmula o dumaan sa Iran at Italy sa huling 14 araw ay kinakailangang magpakita ng medical clearance sa pagdating ng mga ito sa Pilipinas, na indikasyon na negatibo ang mga ito sa COVID-19.

Ayon pa kay Morente, matapos nito ay dadalhin na ang mga pasaherong may clearance sa Bureau of Quarantine (BOQ) upang sumailalim sa 14-day mandatory quarantine.

“Passengers coming from, or have transited through Iran and Italy in the last fourteen days, shall be required to present a medical certificate issued by competent medical authorities within the last 48 hours prior to arrival in the country certifying that they are COVID-2019 free,” wika ni Morente.

“However, if they failed to present a medical certificate, they will be denied entry to the country,” dagdag nito.

Hindi naman kasama sa panibagong restrictions ang mga Pilipino, maging ang kanilang banyagang asawa at mga anak, mga may hawak na permanent resident visas, at mga miyembro ng diplomatic corps.

Nilinaw naman ni Morente na ang mga exempted ay kinakailangan pa ring dumaan sa BOQ para sa 14-day quarantine, sang-ayon sa umiiral na panuntunan mula sa Department of Health (DOH).

Ang Iran at Italy ay ilan sa mga bansang pinakaapektado ng COVID-19, maliban pa sa China.