-- Advertisements --

Patuloy umano ang negosasyon ng Pilipinas sa mga manufacturers na makakapag-supply ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine booster shots.

Ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa ngayon, nakikipag-ugnayan na sila sa apat na kompaniya na posibleng mag-supply ng booster shots.

Posible raw itong maisagawa sa katapusan ng fourth quarter ngayong taon o sa unang quarter ng susunod na taon.

Dagdag niya ang naturang mga kompaniya ay nagpo-formulate at nagdidiskubre ng boosters na maaaring gamitin sa lahat ng variants ng nakamamatay na virus.

Sa ngayon, hinihintay na lamang daw ng bansa ang guidance ng World Health Organization (WHO), National Immunization Technical Advisory Group at vaccine expert panel kaugnay ng plano nilang pagbili ng booster shots.

Sa ngayon, ang Chinese biopharmaceutical company Sinovac ay willing umanong mag-donate ng 500,000 booster doses sa bansa para sa mga medical workers.

Kung maalala, hiniling na ng Duterte administration sa Kamara ang P45.367 billion standby fund para sa booster doses sa susunod na taon.

Noong nakaraang linggo naman, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang ebidensiya raw para suportahan ang booster doses ay nananatiling “minimal” at hindi pa kumpleto.

Pero sa kabila nito, mayroon na raw inihahanda ang pamahalaan na pondo para sa booster shots para sa taong 2022.

Sa panig naman ng WHO, hindi pa rin sila kumbinsido sa paggamit ng booster doses at kailangan daw ang mas malalim pang research dito.