Tiniyak ni Philippine Navy Flag-Officer-in-Command Vice Adm. Carlo Giovanni Bacordo na hindi sila “magpapa-provoke” para unang magpaputok sa Chinese Navy.
Ito ay kaugnay sa presensya ng dalawang Chinese survey vessels sa Recto Bank na tila hayagang sinusubukan umano ang pasensya ng Philippine Navy.
Ayon kay Bacordo, batay sa nakuha nitong impormasyon o intelligence report kaugnay ng dalawang Chinese survey ships ay noong August 9 kung saan umalis ang isa at pinalitan naman ng isa.
Sa pamamagitan ng Littoral monitoring stations ng Navy namonitor nito ang presensiya ng dalawang Chinese survey ships.
Nilinaw ni Bacordo na hindi naman maituturing na paghamon sa Philippine Navy ang presensya lang ng dalawang survey vessels hindi tulad ng ginawa ng isang Chinese Navy vessel noong Pebrero na itinutok ang kanyang fire control radar sa sa BRP Conrado Yap.
Paliwanag ng Navy chief, ang pagtutok ng fire control radar ay hayagang “provocation” at desisyon na ng commander kung ano ang kanyang magiging katapat na aksyon.
Pero ang unang magpaputok ang matatalo sa “public opinion”.
Sinabi ni Bacordo, maaari din naman aniyang i-invoke ng commanding officer ang self defense, or unit defense kung talagang kailangan.
Tiwala si Bacordo sa kakayahan ng commanding officers ng mga barko na gagawin ang tamang desisyon sa ganoong sitwasyon dahil malawak na aniya ang karanasan ng mga ito.