Wala pa umanong nakukuhang opisyal na report ang Philippine Navy (PN) kaugnay sa bumagsak na US Navy aircraft sa Philippine Sea nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay PN Spokesperson Cmdr. Jonathan Zata, naka-monitor ang kanilang hanay sa nasabing report.
Sinabi ni Zata na hindi rin humingi ng tulong ang US Navy para sa posibleng search and rescue operation.
Pagbibigay-diin ni Zata na kahit aniya hindi humihingi ng tulong ay nakahanda ang Philippine Navy na magbigay ng ayuda, partikular ang pagde-deploy ng navy assets.
Sa huling report, na-rescue na ang dalawang piloto ng bumagsak na US Navy Carrier Air Wing o CVW 5 F/A-18.
Bumagsak ang nasabing aircraft matapos na makaranas ng problema sa makina habang nagsasagawa ng aerial routine operations.
Kaagad namang rumisponde at tumulong ang USS Ronald Reagan (CVN 76) kaya na-rescue ang dalawang piloto nito.