-- Advertisements --

Nananatiling on-track umano ang Pilipinas sa usapin ng kahandaan sa pagpapatupad ng COVID-19 Vaccination Program nito.

Ito ang sinabi ni World Health Organization (WHO) Rep. Dr. Socorro Escalante sa gitna na rin ng puspusang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa iba’t ibang foreign pharmaceutical companies para sa procurement ng bansa ng COVID-19 vaccines.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Escalante, na nasa tamang landas ang bansa sa aspeto ng paghahanda at introduksyon ng programa kabilang ang inaasahang distribusyon ng bakuna sa buong bansa.

Gayunman, complex intervention umano ang usaping ito at mangangailangan ng suporta at pang-unawa mula sa publiko.

Ayon kay Dr. Escalante, inaasahan na magiging mabigat ang demand na magmumula sa publiko at kahit pa systematic ang plano ng Pilipinas sa vaccination program nito, maaari itong ma-derail dahil sa pressure ng publiko.

Dahil dito, inihayag ni Dr. Escalante na habang tinitiyak ng pamahalaan na maayos na naipatutupad ang programa, ang publiko ay dapat na sumusuporta sa mga ginagawa ng gobyerno para matiyak na hindi mawawalan ng direksyon ang programa.

Ang WHO naman umano ay patuloy ang koodinasyon sa Pilipinas para sa mga technical advice na maaari nilang maibigay.