Lalo pang nanghina ang halaga ng piso kontra dolyar nang maitala sa pagsasara nitong Lunes ng hapon sa trading ang palitan sa P50.23 sa Philippine Dealing System (PDS).
Ayon sa ilang analyst ito na ang pinakamahinang piso sa nakalipas na isang dekada o mula noong September 2006.
Sinabi ng Bloomberg data, ito rin ang pinakamahinang pananamlay ng piso mula noong December 15, 2016 trading.
Noong nakaraang Biyernes nagsara ang piso sa PDS kontra sa isang dolyar sa P50.
Sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Amando Tetangco, bagamat nakatutok sila sa pagiging “excessive volatility” ng peso, wala naman silang target kung saan dapat pumwesto ang exchange rate level.
Ilang analyst naman ang nagsabi na posibleng sumadsad pa sa P50.50 ang palitan sa buwan ng Marso o hanggang P51 sa kalagitnaan ng taon bunsod ng paghihigpit ng Federal Reserve ng Amerika.
Lalo umanong maapektuhan ang peso at iba pang mga tinaguriang “emerging markets” na mga bansa kung magtataas pa ng interest rates ang Federal Reserve ngayong taon.