Nakahinga na umano nang maluwag ang mga sports officials ng Pilipinas kasunod ng pagkakalagda ng pamunuan ng Senado sa enrolled copy ng P3.7-trilyong pambansang pondo para ngayong taon.
Una rito, umapela ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) sa Kongreso na ipasa na ang P3.7-trillion budget upang makuha na ang nakalaang pondo para sa paghahanda ng bansa sa pag-host sa 30th edition ng Southeast Asian (SEA) Games.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo kay Phisgoc chairman Alan Peter Cayetano, hindi lamang daw ang kanilang hanay kundi pati na rin ang buong bansa ang nagbubunyi sa nasabing development.
Umaasa naman si Cayetano na hindi na raw ito mangyayari sa hinaharap dahil sa laki ng halaga ng perang nawawala sa bansa dahil sa kawalan ng national budget.
“[The Senate leadership’s signing of the enrolled copy of the budget] is good news not just for the sports world and the SEA Games, it’s good news for the Philippines,†wika ni Cayetano.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Philippine Sports Commission (PSC) commissioner at PBA legend Ramon Fernandez, dahil sa pagpirma ng Senado sa budget, tiyak daw na magiging tuloy-tuloy na ang preparasyon ng naturang regional sports meet.
“That’s good news! So mapapabilis na rin ang preparation natin for [SEA Games] hosting. So ipa-finalize na lang siguro ‘yan. I know there’s going to be several meetings coming up to fine tune the preparations,†ani Fernandez.
Matatandaang umamin ang Phisgoc na isa sa malalaking hamon na kanilang hinaharap sa paghahanda sa SEA Games ay ang kakulangan ng pondo.
Sinabi ni Cayetano, mula sa hinihingi ng mga organizers na P9.5-billion para sa pag-host ng bansa sa SEA Games ay P7.5-billion lamang ang inaprubahan dito ng Kongreso, na tinapyasan pa ng 33 percent ng Senado.