-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Philippine Tennis Association (PhilTA) na mas magiging maganda ang performance ng kanilang mga isasabak na players sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games na idaraos dito sa bansa sa Nobyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PhilTA vice president Martin Misa, pursigido silang higitan ang dalawang silver medals na kanilang nasungkit noong 2017 SEA Games sa Malaysia.

Katunayan ay nasa ibang bansa ang karamihan sa kanilang mga players sa men’s team na kalahok ngayon sa iba’t ibang mga tournaments.

Habang ang women’s team naman ay nakatakdang umalis patungong Malaysia sa araw ng Lunes para sumabak sa $20,000 tournament sa nasabing bansa.

Sa Agosto ay pupunta rin umano ang national team sa Amsterdam upang maglaro sa mga club tournaments bilang bahagi na rin ng pagsasanay para sa regional sports meet, sa tulong na rin ng ilang private sponsors at ng Philippine Sports Commission.

Ayon pa kay Misa, sa limang events na sasalihan ng Pilipinas sa Manila SEA Games, layon nilang makadagit ng dalawang gintong medalya.