-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na huwag magpadikta sa China kaugnay sa ipinataw na travel ban laban sa Taiwan dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa interview ng Bombo Radyo, naniniwala si Senador Pangilinan na may halong politika ang pagsama sa ban sa Taiwan dahil sa One China policy.

Ayon kay Pangilinan, dapat alisin na ang travel ban sa Taiwan dahil maraming Pinoy workers ang apektado.

Sa katunayan aniya ay mas marami pa ang mga Overseas Filipino Worker sa Taiwan sa bilang na mahigit sa 150,000 kaysa sa China.

Hindi naman umano tinamaan ng husto ang nasabing bansa ng COVID-19 kompara sa Singapore.

Samantala, dapat daw tumulong ang Department of Health at Manila Economic and Cultural Office sa Taiwan upang maliwanagan ang isyu.