Binigyang-diin ng Malacañang na pangunahing mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Konstitusyon ay pagsilbihan at protektahan ang buhay ng mga Pilipino.
Reaksyon ito ng Malacañang pahayag ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang Konstitusyon ay hindi lang basta ordinaryong papel at paglabag sa probisyon nito ang kabiguang protektahan ang sovereign rights ng mga Pilipino sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang pagprotekta sa buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pag-iwas sa giyera ay pagprotekta na sa ibang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.
Ayon kay Sec. Panelo, kaya maingat si Pangulong Duterte at ayaw mauwi sa giyera ang isyu ng EEZ laban sa China ay dahil ayaw nitong may mamatay na Pilipino.
Inaangkin aniya ng China ang buong South China Sea kaya wala silang gagawing ikakagalit ng China na maaaring mauwi sa giyera.
Dagdag pa ni Sec. Panelo na hahayaan lang ang China na makapangisda sa Scarborough Shoal at Recto Bank na nasa EEZ ng Pilipinas, basta hayaan lang din nilang makapangisda ang mga Pilipino droon na malaya at ligtas.