-- Advertisements --

Ikinukunsidera ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang paglalabas ng isang stamp na kumikilala kay Pope Francis.

Ayon kay PHLPost postmaster general Luis Carlos, nagkaroon na ng inisyal na Stamp Committee meeting at naipresenta na ang naturang plano. Napag-usapan na rin aniya ang posibleng ilalabas na Pope Francis stamp.

Naniniwala si Carlos na tatangkilikin ito ng publiko.

Kailangan lamang aniyang mapag-usapang mabuti ang magiging disenyo ng Pope Francis Stamp bago tuluyang i-imprenta at ilabas. Kung magtutuloy-tuloy ang inisyal na plano, maaaring sa susunod na lingo aniya ay mailalabas na ang bagong gawang stamp.

Maaari rin aniyang mag-imprenta ang PHLPost ng mula 5,000 hanggang 10,000 kopya ng Pope Francis stamp.

Noong taong 2014 ay unang naglabas ang PHLPost ng mga stamp na nagtatampok kay Pope Francis.

Nakagawa ang naturang opisina ng hanggang 90,000 kopya na labis ding tinangkilik ng mga Pilipino.