Naglabas ng panibagong babala ang Philippine Postal Corporation na mag-ingat laban sa mga scammer na nag-papanggap na empleyado ng Post Office na tumatawag at nagpapadala ng text message, e-mail, video messaging at iba pang online platforms.
Ginawa ng nasabing tanggapan ang naturang abiso matapos na makatanggap ng reports ang Post Office nito lamang mga nakalipas na araw ng mga insidente ng scam sa pamamagitan ng online, email, SMS at tawag.
Gumagamit umano ang mga scammer ng pekeng accounts sa online, emails, text message o phone calls bilang pain sa kanilang mga biktima nagsasabi na mayroon silang unclaimed package sa kanilang post office kung saan ang ilan pa ay nagpapanggap na postal employees,
Nagpapadala rin umano ang mga scammer ng bogus tracking numbers ng mga package at iba pang dokumento sa mga biktima para magmukhang lehitimo ang transaksiyon.
Ibinunyag pa ng ahensiya na may ginagawang mga taktika ang mga scammer para makakuha ng access sa personal information ng kanilang mga biktima.
Kabilang dito ang harassment kung saan sinasabi sa ipinapadalang text, email o tawag na mayroon silang unusual package na nasa Police station at Post office dahil sa iligal umanong nilalaman ng kanilang package.
Bilang precautionary measures para madaling matukoy na ito ay isang scam, una kapag nabigong ibigay ng scammer ang address ng kanilang opisina at pangalawa, kapag ipinagpilitan nito na dapat magbayad sa pamamagitan ng online banks at money remittances.
Inaabisuhan din ang mga biktima ng online scams na agad ipagbigay alam sa cybercrime offices ng Philippine National Police o National Bureau of Investigation (NBI).