Nasungkit ng Phoenix Pulse ang ikalawa nilang dikit na panalo matapos ilampaso ang Alaska Aces, 94-80, sa nagpapatuloy na PBA Philippine Cup.
Bagama’t naglaro nang masama ang tiyan, kumamada ng double-double na 21 points at 16 rebounds si Calvin Abueva kontra sa dati nitong team.
“Grabe tiyan ko,” wika ni Abueva. “Sa kinain kong talaba kaya masiyadong ano, naging maselan pero okay naman ako, ‘di sumumpong sa court.”
Hindi rin nagpaawat sina Matthew Wright na bumuslo ng 20 points at si RJ Jazul na nagtapos sa kanyang 18.
Dahil dito, kasamaa ang Rain or Shine ay nangingibabaw ngayon ang Fuel Masters sa standings hawak ang 7-1 baraha.
Sumandal naman kay Jeron Teng ang Aces sa nilista nitong 23 points.
Kasabay nito, natuldukan na rin ang two-game winning streak ng Alaska, na lumaban kahit wala ang mga key players na sina Vic Manuel, JVee Casio, at Kevin Racal.
Nagpakawala ng mga 3-pointers sina Abueva at Jazul upang mapalawig nang husto ang agwat ng Fuel Masters sa third quarter.
Umabot pa hanggang sa 26 points ang lamang ng Phoenix.
Narito ang mga iskor:
Phoenix Pulse 94 – Abueva 21, Wright 20, Jazul 18, Mallari 9, Perkins 6, Mendoza 4, Guevarra 3, Kramer 2, Revilla 0, Marcelo 0, Napoles 0, Gamboa 0, Dennison 0.
Alaska 80 – Teng 23, Ayaay 13, Cruz 10, Pascual 8, Enciso 7, Exciminiano 5, Banchero 4, Galliguez 4, Baclao 3, Thoss 2, Andrada 0.
Quarters: 29-22; 51-40; 74-53; 94-80.