Nagawang makalusot ng Phoenix Suns sa Game 4 laban sa Los Angeles Clippers sa Western Conference finals, 84-80, upang lumayo pa ang abanse sa best-of-seven series sa 3-1.
Makapigil hininga ang mga huling segundo ng laro dahil inalat sa kanilang mga tira ang dalawang koponan hanggang mauwi sa palitan sa free throws ang labanan.
Mula sa first quarter ay abanse ang Suns at dumikit lamang sa score ang Clippers sa 4th quarter.
Sa huli naitawid ng veteran na si Chris Paul ang Suns sa pamamagitan ng free throws.
Nagtapos si Paul, na dati ring Clippers sa score na 18 points at 7 assists.
Habang si Devin Booker naman ay nag-ambag ng 25 points.
Malaking tulong din ang ginawa ni Deandre Ayton na may 22 points at career playoff high na 22 rebounds.
Sa kampo ng Clippers si Paul George ay tumipon ng 23 points, 16 rebounds at 6 assists pero hindi pa rin kinaya ang Suns lalo na at injured pa si Kawhi Leonard.
Aminado si George na ang nangyari ay emotional game para sa kanila sa harap ng kanilang sellout crowd na umabot sa 18,222.
Kinailangan pang sadyain ng Clippers ang tatlong beses na hindi i-shoot ang free throws upang makuha sana ang rebound at maipasok ang 3-point shots at makamit ang kalamangan.
Pero sadyang malas ang LA na kinikilala pa naman sa liga bilang best sa three point area.
Aminado si George na napakahirap ngayon ng kanilang sitwasyon kaya naman ibubuhos na nila ang natitira pang pwersa sa next game.
“Play as hard as we can in Game 5,” ani George.
Ang Game 5 ay gaganapin na sa Martes sa teritoryo ng Suns upang tangkaing doon tapusin ang serye at umusad sila sa NBA Finals sa unang pagkakataon mula noong taong 1993.