-- Advertisements --

Tuluyan nang tinanggal ng Phoenix Suns ang head coach nitong si Mike Budenholzer kasunod ng pagtatapos ng mga regular game sa 2024-2025 season.

Maalalang sa kabila ng paglalaro ng tatlong star na sina Kevin Durant, Devin Booker, at Bradley Beal, ay hindi naging maganda ang pagtatapos ng regular season ng Suns at umabot lamang sa 36 ang mga games na nagawang maipanalo ng koponan habang kumamada ito ng 46 na pagkatalo.

Sa huling sampung laro ng koponan, isa lamang ang nagawa nilang maipanalo at hindi na ito nakapasok pa sa Play-In Tournament.

Unang na-hire si Budenholzer sa Phoenix noong May 2024 at pinalitan ang dating head coach na si Frank Vogel. Gayonpaman, hindi rin naging maganda ng record ng batikang coach habang pinapangunahan ang Phoenix.

Sa pagsisimula ng regular season ay naging maganda pa ang record ng koponan at nagawa nilang ibulsa ang 8-1 win-loss record.

Gayunpaman, nagka-injury si Durant matapos ang ilang linggong pagsisimula ng regular season at hindi na tuluyang nakabalik pa ang koponan, kahit na naging maayos na ang kalagayan ng lahat ng mga star player nito.

Sa kasalukuyan, wala pang pumapalit sa batikang coach.

Maalalang noong 2021 ay pinangunahan ni Coach Budz ang Milwaukee Bucks upang ibulsa ng koponan ang championship sa taong iyon. Nagawa noon ng Bucks na pataubin ang Phoenix Suns, ang koponang nangibabaw sa western conference.