KALIBO, Aklan – Ipinatupad na ang phone signal shutdown ngayong Linggo, Enero 19 sa araw mismo ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan festival bilang bahagi ng security measure.
Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunications company na abisuhan ang kanilang mobile users na hindi sila maka-text o makatawag simula alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng gabi.
Iminungkahi ng Site Task Group AtiFest2020 ang signal shutdown upang lalo pang mapalakas ang seguridad at kaligtasan ng libu-libong festival goers at mga deboto.
Ilan sa mga naka-schedule na aktibidad bukas ay ang paglilipat ng imahe ni Sto. Niño de Kalibo mula sa Shrine papuntang harapan ng Cathedral dakong alas-6:30 ng umaga na susundan ng Pilgrims’ Mass bandang alas-7:00 ng umaga at procession pagsapit ng alas-9:00 ng umaga.
Magkakaroon rin ng religious at torch parade ng imahe ng Sto. Niño bandang alas-3:00 ng hapon na inaasahang matatapos dakong alas-8:00 ng gabi sa labas ng simbahan.
Ang awarding ceremony ay gaganapin sa Magsaysay Park bandang alas-9:00 ng gabi.
Inaasahang maapektuhan rin ang ibang bahagi ng Aklan at katabing lugar ng Kalibo ng pansamantalang pagkawala ng network signal.