LEGAZPI CITY – Binulabog ang mga residente sa lalawigan ng Sorsogon ng isang pagsabog mula sa Bulkang Bulusan bandang alas-10:37 ng umaga.
Nagpakawala ito ng makapal at maitim na usok na kita sa kabuohan ng mga bayan na nakapalibot sa bulkan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Paul Alanis ang resident volcanologist ng Phivolcs, isang phreatic erruption ang naitala sa bulkan na patuloy pa rin na nagpapakawala ng makapal na usok at mga pagyanig sa paligid nito.
Pinawi naman ng opisyal ang pangamba ng publiko dahil bagaman biglaan ang pagsabog ay wala naman umanong tao ang nasa loob ng 4km permanent danger zone na permanente ng ipinagbabawal na pasokin ng mga residente.
Sa ngayon ay patuloy na nakatutok ang Phivolcs sa sitwasyon ng bulkan habang nakikipag-ugnayan na sa mga lokal na gobyerno para sa susunod na gagawing hakbang.
Patuloy naman na pinag-iingat ng eksperto ang publiko lalo na sa mga lugar na nakaligid sa bulkan dahil inaasahan na ang posibilidad na muling pagsabog nito.