Maaaring masundan pa ang pagsabog ng Taal Volcano, matapos ang phreatic eruption kahapon.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Phivolcs Dir. Renato Solidum, na tuloy-tuloy pa ang volcanic activity ng bulkan, kasama na ang lindol na umaabot na sa mahigit 50.
Ang mga ito umano ay indikasyon ng aktibong lagay ng Taal kaya maaaring may kasunod pa ang paglalabas nito ng abo na nagdulot ng matinding ash fall.
“Tuloy-tuloy po ‘yung volcanic activity, kaya maaaring may kasunod pa ang phreatic eruption. Kaninang umaga may mga iniitsang lava,” wika ni Solidum.
Samantala, inamin naman ni Phivolcs chief senior research specialist Antonia Bornas na pahirapan ang pagkalap nila ng ibang data ngayon sa bulkan.
Natabunan kasi ang ilang instrumento ng kanilang ahensya kaya maging ang paglalabas ng update ay nagkakaroon din ng problema.
Sa ngayon may lumalabas pa ring abo at nagkakaroon din ng lava fountaining sa bunganga ng bulkan.