-- Advertisements --
MAYA 2 1 JAXA
IMAGE | The BIRDS-4 CubeSats being deployed from the International Space Station/Screengrab, JAXA, YouTube

MANILA – Matagumpay na nailunsad sa orbit ng Earth ang Maya-2 cube satellite. Ang ikaaapat na satellite at ikalawang nanosatellite na gawa ng mga Pilipino.

Alas-7:20 ng gabi, oras sa Pilipinas, nang pakawalan mula sa International Space Station (ISS) ang 1.3-kilogram satellite.

“The successful launching of Maya-2 makes me feel proud. The accomplishment made possible by our young researchers and engineers should make us confident that we can do more in the area of space technology,” ani Department of Science and Technology Sec. Fortunato de la Pena.

Magugunita na noong February 21 unang inilunsad ang Maya-2 papuntang ISS.

Sakay ito ng Cygnus NG-15 rocket na S.S Katherine Johnson. Kasamang lumipad ng Philippine-satellite ang Tsuru na gawang Japan, at GuaraniSat-1 ng Paraguay.

Ang development ng Maya-2 ay bahagi ng 4th Joint Global Multi-Nation Birds Satellite (BIRDS-4) Project ng Kyushu Institute of Technology sa Japan.

Tatlong Pilipinong engineers ang bumuo sa Maya-2. Sina Izrael Bautista, Mark Angelo Purio, at Marloun Sejera. 

Pare-parehong silang scholar ng DOST-Science Education Institute, at ngayo’y mga candidate sa doctoral degree na Space Engineering.

Naging tulay nila ang Space Science and Technology Proliferation through University Partnerships (STeP-UP) Project, na nasa ilalim ng STAMINA4Space Program ng DOST at University of the Philippines.

MAYA-2 MISSION

Maya 2 fast facts
IMAGE | Fast facts on Maya-2/STAMINA4Space

Katulad ng naunang Pinoy-made cube satellite na Maya-1, may kakayahan din ang Maya-2 na mangolekta ng datos gamit ang “Store-and-Forward” mechanism. Gayundin na makakuha ng mga larawan at videos gamit ang naka-kabit na camera.

Bukod dito, nilagyan din ng Pinoy engineers ng “Automatic Packet Reporting System Message Digipeater” (APRS-DP) ang naturang cube satellite.

“(Maya-2 also includes) attitude determination and control units for active attitude stabilization and control demonstrations, Perovskite solar cells, and a Latchup-detection chip,” nakasaad sa press release.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni STAMINA4Space program leader Dr. Maricor Soriano na hindi lang naman limitado sa pangangalap ng datos ang misyon ng mga satellite.

“Mayroon din ang isang mission na tinatawag na ‘technology demonstration.’ Gusto mong i-test kung gagana itong mga nilagay mong additional things sa satellite.”

Dr. Maricor Soriano STAMINA4Space
IMAGE | Dr. Maricor Soriano, STAMINA4Space Program leader

“Dito sa Maya-2, first time nilang i-try gawin na lagyan ng ‘attitude control.’ Yung mga cube satellite kapag iluluwa na sila (to space) mago-orbit pero magta-tumbling sila. Kung ang camera gusto mo ipatutok sa ground, kahit papano dapat ma-control mo siya. Pero paano mo magagawa yon? Usually may mga gulong sa loob ng satellite (and using the attitude control) iikot siya at mapipilitang umikot yung satellite.”

Umaasa ang Pinoy engineers na nag-develop sa Maya-2 na magiging kasing-tagumpy ng naturang cube satellite ang mga naunang nanosatellite na pinalipad ng mga Pilipino sa kalawakan.

Plano rin daw nilang dalhin sa bansa ang mga natutunang aral para makahikayat ng iba pang Pilipinong may talento at interes sa space science.

“After finishing my studies, the plan is to return to our respective institutions and carry out knowledge transfer to aspiring students in the field of science and technology,” ani Engr. Sejera.

“Maybe in the Philippine Space Agency or in the academe so that I could share the things I learned in Kyutech and apply it for the future satellites that our country will build. A startup relating to satellites or my research is also one that I’m looking into,” ani Engr. Bautista.

Kung maaalala, una nang nakapag-palipad ng dalawang microsatellite na Diwata-1 at Diwata-2 ang Pilipinas. Noong 2019 nang ilunsad ang misyon ng Maya-1, ang unang cube satellite.