-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ipinag-utos ng Iloilo City Government ang pagpapatupad ng physical distancing at pagsuot ng face mask sa loob ng bahay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jeck Conlu, tagapagsalita ng COVID-19 Team ng Iloilo City Government, sinabi nito na madaling mahawa ng virus ang mga miyembro ng pamilya dahil sa hindi pagsunod sa minimum health protocol sa loob ng bahay.

Ayon kay Conlu, hindi dapat magkampante ang mga nasa loob ng bahay dahil marami na aniya silang naitala na COVID-19 cases kung saan iisang pamilya lang ang mga nagkakahawaan ng sakit.

Inamin rin ni Conlu na nakakatawa raw ang nasabing kautusan ngunit nararapat aniya na sundin upang mapigilan ang patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa siyudad.